
Isang makabuluhang pagsasanay sa meat processing at paggawa ng fruit at vegetable chips ang isinagawa sa San Carlos City Livelihood Training Center bilang bahagi ng mga programang pangkabuhayan ng Pamahalaang Lungsod ng San Carlos.
Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga mag-aaral at guro mula sa Pangasinan State University (PSU) San Carlos, katuwang ang mga kawani ng City Cooperative, Enterprise and Livelihood Development Office (CCELDO). Layunin ng pagsasanay na palawakin ang kaalaman ng mga kalahok sa paglikha ng produktong pagkain na maaaring maging pagkakakitaan at negosyo sa hinaharap.
Tinalakay at isinagawa sa aktuwal ang iba’t ibang proseso sa paggawa ng mga produktong karne tulad ng chicken tocino, embutido, siomai, burger patty, at skinless longganisa. Bukod dito, itinuro rin ang paggawa ng chips mula sa mga prutas at gulay gaya ng patatas, talong, ampalaya, puno ng saging, at kalabasa bilang alternatibong produktong pangkabuhayan.
Pinangunahan ang pagsasanay ng mga piling resource person mula sa PSU San Carlos na nagbahagi ng kanilang kaalaman sa tamang paghahanda ng pagkain, wastong proseso, at pagsunod sa food safety standards. Sa pamamagitan ng kombinasyon ng talakayan at hands-on na gawain, naging mas malinaw sa mga kalahok ang aktuwal na aplikasyon ng kanilang natutunan.
Ang nasabing inisyatibo ay inaasahang magsisilbing pundasyon ng mga susunod pang programang pangkabuhayan sa lungsod, na magbibigay ng dagdag na oportunidad sa kita at magpapalakas sa kakayahang pangkabuhayan ng komunidad.
Patuloy ang Pamahalaang Lungsod ng San Carlos sa pagpapaigting ng ugnayan sa mga institusyong pang-edukasyon upang maisakatuparan ang mga programang nakatuon sa pangmatagalang pag-unlad ng mamamayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









