Nagdulot ng tensyon ang pagsisiwalat ni Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Rowena Guanzon ng kaniyang boto kaugnay sa tatlong disqualification case laban kay presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Ito ay dahil nakabinbin pa rin sa First Division ang kaso kung saan presiding officer nito si Guanzon ngunit hindi siya ang ponente o naatasang magsulat ng resolusyon ng kaso.
Nauna nang sinabi ni Guanzon na “in favor” ang kanyang boto sa pag-disqualify kay Marcos kahit wala pang aktuwal na desisyon mula sa dibisyon.
Ayon kay Guanzon, pinag-usapan na nila ng tatlong commissioner ng First Division na ilabas ang resolusyon ng kaso sa Enero 17 ngunit tila aniya may nanghihimasok na maimpluwensyang tao sa kaso.
Dahil sa pahayag na ito ay umalma si Commissioner Aimee Ferolino na isa sa mga tinukoy na ponente ni Guanzon.
Giit ni Ferolino, walang January 17 deadline at si Guanzon lamang nagsasabi nito.
Imposible rin aniya na madesisyunan ang kaso sa petsa na iyon dahil tatlong petisyon ito na dapat busisiin.
Dagdag pa ni Ferolino, nais lamang ni Guanzon na impluwensiyahan ang kaniyang boto.
Samantala, nais ng partido ni Marcos na ma-disbar si Guanzon dahil sa ilegal na pagsasapubliko ng kaniya boto sa kaso.