Pangulong Marcos Jr., tiniyak ang ayuda para sa mga residenteng matinding naapektuhan ng malakas na lindol

Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na may pondo ang gobyerno para ayuda sa mga biktima ng malakas na lindol.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Pangulong Marcos na kapag may mga kalamidad naman ay sadyang nakahanda ang kaukulang pondo para sa pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan.

Aminado ang pangulo na hindi lang naman relief goods ang kailangan ng mga biktima ng kalamidad dahil posibleng nawalan aniya ng hanapbuhay ang mga ito kaya kailangan mabigyan pa rin ng tulong pinansiyal kahit papano para muling makapagsimula.


Dito aniya papasok ang social programs ng gobyerno, tulad ng Assistance to Individuals in Crisis (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa kasalukuyan, sinabi ni Pangulong Marcos na wala pa silang maibibigay na kabuuang halaga ng pondo na posibleng kailangangin para matulungan ang mga naapektuhan ng lindol sa Ilocos Region at Cordillera Administrative Region dahil hinihintay pa ang reports mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Ngunit siniguro ng pangulo na handa ang national government na magpalabas ng dagdag na pondo para tugunan ang pangangailangan ng mga residenteng labis na naapektuhan ng malakas na lindol.

Facebook Comments