Panibagong petisyon na kumukuwestiyon sa 2025 national budget, inihain sa Korte Suprema

Isa pang petisyon na humihiling na ipawalang-bisa ang 2025 national budget ang inihain ngayong Lunes sa Korte Suprema.

Batay sa petition for certiorari and prohibition na inihain ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC), Freedom from Debt Coalition (FDC) at Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), kinuwestiyon ang pagiging constitutonal o kung naaayon sa batas ang 2025 General Appropriations Act.

Ito ay dahil sa sinasabing paglabag ng 2025 budget sa Saligang Batas dahil mas malaki pa ang pondo para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na nasa P1.05 trillion kumpara sa budget ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na may total lamang na P913.3 billion.


Sabi ni Benjo Basas, isa sa petitioner at chair ng TDC, isang paglapastangan sa simpleng common sense ang ginawa ng pamahalaan lalo na’t nakagawian na ang pinakamataas na alokasyon ng national budget ay para sa edukasyon.

Samantala, napuna rin ng petitioners ang muling pag-reclassify ng gobyerno ng pondo para lumabas na ang education sector pa rin ang may pinakamalaking makukuha sa national budget.

Respondents sa petisyon sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Executive Secretary Lucas Bersamin at ang House of Representatives.

Facebook Comments