Lahat ng mga Pinoy sa Myanmar at Thailand, ipina-a-account ng mabuti ng isang senador

Pinatitiyak ni Senate President Chiz Escudero sa mga embahada ng Pilipinas sa Myanmar at Thailand na mabibilang ang lahat ng mga Pilipino na nasa nabanggit na mga bansa matapos ang malakas na pagyanig ng 7.7 magnitude na lindol noong Biyernes.

Partikular na pinakikilos ng mambabatas ang mga embahada ng bansa sa Yangon at sa Bangkok na dapat manguna sa sitwasyon at tiyakin na maibibigay ang kailangang tulong sa lahat ng mga kababayang nagtatrabaho, naninirahan o kahit ang mga bumisita lamang sa dalawang bansa.

Ayon kay Escudero, marami pang Pinoy ang hindi pa accounted hanggang sa ngayon kaya dapat na magdoble kilos pa ang mga awtoridad sa paghahanap sa mga kababayan lalo na sa apat na Pilipinong nawawala.

Kapag natapos na ang rescue operations, iginiit ng senador na magsagawa ang mga embahada ng full accounting ng mga Pilipino na naapektuhan ng lindol at ibigay ang mga kinakailangang tulong tulad ng psychosocial support para sa mga survivor.

Sinabi pa ng Senate president na ang parehong bansa ay ikinukunsidera ng Pilipinas hindi lamang bilang mga kapitbahay na bansa kundi bahagi na rin ng ating komunidad bilang isang nasyon.

Facebook Comments