
Isinusulong ni Senator Erwin Tulfo ang pagbibigay ng sapat na proteksyon sa mga manggagawang posibleng mawalan ng trabaho dahil sa artificial intelligence o AI.
Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2563, layon ni Tulfo na amyendahan ang Labor Code of the Philippines upang magtakda ng mga kundisyon kung kailan maituturing na makatarungan ang pagtanggal sa isang empleyado dahil sa paggamit ng AI.
Kabilang sa mga kundisyong dapat matugunan upang masabing makatarungan ang pagtatanggal sa isang manggagawa dahil sa AI ang mga sumusunod:
*May aktuwal na paggamit ng AI technologies o systems;
*Ipinatutupad ang paggamit ng AI nang may “good faith”;
*Makatwiran ang paggamit ng AI sa trabaho, gaya ng pagbabawas ng gastos at pagpapabuti ng serbisyo;
*Walang ibang alternatibo sa paggamit ng AI na maaaring makamit ang layuning mabawasan ang bilang ng mga manggagawa; at
*Makatarungan at makatwiran ang pagtatanggal sa mga empleyadong maaapektuhan.
Bibigyan naman ng separation pay ang mga matatanggal na manggagawa na katumbas ng hindi bababa sa dalawang buwang suweldo o dalawang buwang suweldo sa bawat taon ng serbisyo, alinman ang mas mataas.
Bago ipatupad ang pagtatanggal sa trabaho, kinakailangan munang ipagbigay-alam ng mga employer sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang naturang hakbang nang hindi bababa sa anim na buwan bago ito isagawa.










