
Umaasa si Senator Risa Hontiveros na personal na dadalo si Vice President Sara Duterte sa budget deliberation oras na talakayin sa plenaryo ang panukalang pondo ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Hontiveros, tulad ng nabanggit ni Senate President Sherwin Gatchalian sa budget hearing ng OVP sa Finance Committee, inaasahan niyang haharap si VP Duterte sa plenaryo.
Sinabi ni Hontiveros na kapag hindi nakadalo ang isang kalihim sa budget hearing, inaasahan nilang haharap ito kahit sa plenaryo.
Nilinaw din niya na hindi lamang si VP Sara ang hinihikayat niyang dumalo sa pagtalakay ng budget dahil pinuna rin niya ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) nang hindi humarap ang kalihim nito sa budget hearing.
Samantala, sinabi ni Hontiveros na hindi magiging hadlang ang sub judice rule kaugnay ng impeachment trial sa pagdalo ni VP Sara sa budget deliberation dahil magkahiwalay na proseso ang impeachment at ang pagtalakay sa panukalang budget.
Hindi rin aniya kailangang maging “awkward” o alanganin ang sitwasyon kung haharap si VP Duterte sa budget debate habang may nakabinbing impeachment case sa Senado. Aniya, pare-pareho naman silang nasa hustong gulang at kailangang sumailalim sa masusing pagsusuri ang lahat ng ahensya ng pamahalaan.










