
Kinwestyon ni Senator Ping Lacson sa budget deliberations ang tungkol sa government financial aid o ayuda.
Sa pagsisimula ng deliberasyon, tinanong ni Lacson kung maaari bang alisin nang tuluyan ang mga ayuda para mapalakas ang ekonomiya ng bansa.
Ipinunto ng senador na bilyon-bilyong piso ang pinakakawalan ng gobyerno kung saan umabot na sa P241 billion ang ayuda, hiwalay pa ito sa alokasyon sa Pantawid Pamilya Program.
Para aniya makabawi ang ekonomiya ng bansa sa susunod na taon, kailangang makamit ng pamahalaan ang 6.7 percent Gross Domestic Product mula sa pagkakalugmok sa 2.1 percent ngayong third quarter.
Paliwanag naman ni Finance Committee Chairman JV Ejercito na batay sa mga economic managers, inaasahan ang bahagyang paglago sa ekonomiya dahil marami sa mga proyekto ay huli nang nai-award at ito ay magpapatuloy sa susunod na taon.
Bukod dito, nananatili pa rin naman ang alokasyon para sa mga infrastructure projects na makakatulong sa pagpapalago sa ekonomiya ng bansa.










