Kung papalaring manalo sa 2022 elections ay ipagpapatuloy ni Partido Reporma Chairman at standard-bearer Senator Panfilo “Ping” Lacson ang usapang pangkapayapaan sa mga komunistang grupo.
Kasabay nito ay itutuloy rin ni Lacson ang patas na pagpapatupad ng mga programa sa ilalim ng National Task-Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Paliwanag ni Lacson, tuloy-tuloy ang peace talks dahil hindi natin dapat kalimutan na kababayan din natin ang mga rebelde.
Para kay Lacson, maganda naman ang konsepto ng NTF-ELCAC ngunit hindi naipatutupad nang maayos.
Ayon kay Lacson, kinakailangan na magkaroon ng patas na implementasyon ng mga programa para sa mga lugar na nalinis na sa New People’s Army (NPA) upang maipatupad ang mga proyektong pangkaunlaran at pangkabuhayan sa mga lugar na ito.