PBBM, kinondena ang malagim na pambobomba sa Mindanao State University

Nagpahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng pagkondena sa malagim na pambobomba sa Mindanao State University (MSU) at sa komunidad ng Marawi na ikinasawi ng 11 indibidwal at ikinasugat ng 50 iba pa kasabay nang pagtiyak na kontrolado na ang sitwasyon habang tinutulungan ang mga biktima ng terorismo.

Nagparating rin ang pangulo ng kanyang pakikiramay sa pamilya at mahal sa buhay ng mga biktima kung saan itinuturo niya ang mga foreign terrorist o mga dayuhang terorista na siya umanong nasa likod ng karumal-dumal na pag-atake.

Ayon kay Pangulong Bongbong Marcos, mahigpit ang pakikipag-ugnayan ng national government sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at sa mga kinauukulang local government units (LGUs) para sa kanilang mabilisang tugon sa tinawag niyang “latest assault on peace.”


Pagtitiyak naman ng presidente sa mga residente ng Marawi na mas pinaigting pa ang mga hakbang sa seguridad sa buong MSU campus at sa mga kalapit na lugar makaraang maglabas ng direktiba sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na tiyakin ang proteksyon at kaligtasan ng mga sibilyan ng mga apektadong komunidad.

Hinikayat naman ng pangulo ang publiko na manatiling kalmado, maingat, at may malasakit para tiyakin na ang “nakakabahalang pangyayari” ay hindi madagdagan ng maling impormasyon.

Bukod dito, ipinanawagan ni Pangulong Marcos sa lahat na ipagdasal ang mga biktima, kanilang mga pamilya at ang mga apektadong komunidad.

Facebook Comments