PBBM, naniniwalang makakamit pa rin ang 20 pesos per kilo ng bigas

Hindi nawawalan ng pag-asa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na makakamit sa kaniyang administrasyon ang 20 pesos per kilo na presyo ng bigas.

Ginawa ng pangulo ang pahayag sa ginanap na launching ceremony ng Kadiwa ng Pasko Project kaninang umaga sa Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City.

Ayon sa pangulo, sa paglulunsad ng Kadiwa ng Pasko Project sa 14 na lugar sa bansa, makakabili ang sinuman ng 25 pesos per kilo na National Food Authority o NFA rice.


Mababa na aniya ang presyong ito na mabibili sa mga stalls dahil direkta ito sa NFA at hindi na kumikita ang NFA rito.

Pero mas bababa pa aniya hanggang 20 pesos ang presyo ng NFA rice sa mga susunod na panahon dahil ito raw ang pangarap ng pangulo para sa mga Pilipino.

Ngunit marami pa aniyang dapat gawin para makamit ito kaya dahan-dahan lang.

Sinabi pa ng pangulo na hindi nila kontrolado ang pagtaas ng presyo ng bilihin dahil hindi naman nanggaling sa ekonomiya ito kun’di sa mga pangyayari sa iba’t ibang lugar na hindi kontrolado ng gobyerno ng Pilipinas.

Kaya ayon sa pangulo ang solusyon ng pamahalaan ay tulungan ang mga Pilipino sa pamamagitan ng inilusad na Kadiwa ng Pasko Project kung saan makakabili ng mura at magandang kalidad ng produkto at ang pagkakaroon ng fuel subsidy para kahit papano mabawasan ang ginagastos ng taong bayan.

Facebook Comments