
Iginiit ng Malacañang na walang dapat ihingi ng paumanhin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay ng naunang pag-aanunsiyo nito sa pagkakahuli kay dating Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co sa Czech Republic.
Ito ang sagot ni Palace Press Officer Claire Castro nang tanungin kung dapat bang mag-sorry ang pangulo matapos umasa ang publiko na agad mapapauwi si Co upang harapin ang mga kaso nito sa bansa.
Ayon kay Castro, tama ang impormasyong iniulat noon ng pangulo at ginawa ng administrasyon ang lahat ng kinakailangang hakbang para maibalik si Co sa Pilipinas.
Samantala, nilinaw rin ng palasyo na hindi galing kay Pangulong Marcos ang naging pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na posibleng maiuwi si Co sa loob ng isa hanggang tatlong linggo.
Matatandaang humingi ng paumanhin si Remulla at inaming nagkamali siya sa kaniyang pahayag sa pag-aakalang pareho ang proseso ng Czech Republic at Pilipinas sa deportation.










