Nakatakdang tapusin ngayong araw ang preparasyon para sa Kalutan ed Dalan sa kahabaan ng De Venecia Highway sa Dagupan City, isang araw bago ang selebrasyon sa Abril 30.
Ayon sa mga organizer, maaga pa lamang ay sinimulan na ang paglalatag ng mga stage at pag-install ng sound system upang matiyak ang maayos na daloy ng programa sa inaasahang pagdagsa ng mga bisita.
Kasabay nito, itinakda rin ng lokal na pamahalaan ang deadline ng paghahanda ngayong araw upang maging ganap na handa ang venue pagsapit ng event.
Samantala, naglabas ang POSO Dagupan ng abiso sa pansamantalang pagsasara ng bahagi ng New De Venecia Road mula alas-12 ng tanghali ng Abril 29 hanggang Mayo 1.
Ipinatupad din ang rerouting scheme para sa mga motorista mula sa iba’t ibang direksyon, kabilang ang daanan sa A.B. Fernandez Avenue, Burgos Street, Tapuac-Lucao Road, at iba pang alternatibong ruta mula Calasiao, San Carlos, at mga karatig bayan.
Para naman sa mga papasok ng Dagupan City, maaaring dumaan sa Sitio Dumurog Road o Don Proceso F. Diaz Road patungong Gaudencio Siapno Road.
Kaugnay nito, itinalaga ang POSO enforcers sa mga apektadong lugar para alalayan ang mga motorista habang ipinatutupad ang rerouting. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








