Tuesday, May 26, 2026

SP Alan Peter Cayetano, pumalag at tinawag na “foul” ang isinusulong ng minorya na palitan siya sa pwesto

Umalma si Senate President Alan Peter Cayetano sa pagsusulong ng minority bloc na palitan siya sa pwesto ni Senator Win Gatchalian.

Sinabi ni Cayetano na bagama’t politikal ang pahayag, maaari itong ituring na “foul.”

Ibinato rin niya sa minorya ang tanong kung hindi ba “fresh start” nang siya ang maupong Senate President kaya itinutulak si Gatchalian bilang kapalit.

Iginiit pa ni Cayetano na matagal nang bumababa ang dignidad ng Senado, na aniya ay nagsimula sa usapin ng flood control projects, taliwas sa pahayag ng minorya na ngayon lamang ito nangyari.

Kinontra rin ni Cayetano ang sinabi ni Senator Ping Lacson na mas “mabango” ngayon ang Kamara kumpara sa Senado. Inungkat niya ang 2019 Pulse Asia survey kung saan pantay sa 66 percent ang trust ratings ng Senado at Kamara, noong siya pa ang House Speaker at si Senate Minority Leader Tito Sotto III ang Senate President.

Binalikan din ni Cayetano ang pahayag ng minorya na mahirap nang maging impartial ang majority sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Aniya, mahirap ding paniwalaan ang minorya na magiging patas sa paglilitis kung pagbabatayan ang kanilang mga pahayag.

Facebook Comments