PCO Usec. Claire Castro, dumulog sa NBI dahil sa banta sa buhay

Naghain ng report sa National Bureau of Investigation (NBI) si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro kaugnay ng umano’y death threat na natanggap niya matapos ang kanyang naging “Chucky doll remark” laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Castro, nagmula ang banta sa isang Facebook page na “Luminous by Trixie Cruz-Angeles & Ahmed Paglinawan,” na iniuugnay sa dating Press Secretary na si Atty. Trixie Cruz-Angeles.

Aniya, malinaw na naglalaman ng banta sa kanyang buhay ang nasabing post kaya minabuti niyang agad itong ireport sa mga awtoridad, sakaling may mangyaring masama sa kanya.

Inamin ni Castro na nakaramdam siya ng takot, lalo’t hindi umano siya sanay sa ganitong uri ng pagbabanta.

Pinag-aaralan na rin ng opisyal ang posibilidad ng pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga nasa likod ng naturang pahayag.

Facebook Comments