Petisyon ng 2 magulang para sa temporary restraining order sa pagbabakuna sa edad 5 hanggang 11 taong gulang, nai-raffle na sa QC-RTC

Nai-raffle na ang petisyon ng dalawang magulang na humihiling na maglabas ang Quezon City Regional Trial Court (QC-RTC) ng Temporary Restraining Order (TRO) sa pagbabakuna ng edad 5 hanggang 11 taong gulang.

Ayon sa impormasyon mula sa QC-RTC, napunta ang petisyon nina Dominic Almenor at Girlie Samonte sa sala ni Judge Primo Sio ng Branch 96 ng QC-RTC.

Kahapon isinagawa ang raffle sa petisyon matapos na ihain ito sa QC-RTC ng Public Attorney Office (PAO).


Ang PAO ang tumatayong abogado kina Almenor at Samonte sa paghahain ng pestiyon para sa hiling na magpalabas ng tro ang hukuman.

Kapwa may anak sina Almenor at Samonte na sakop ng 5-11 age group na pediatric vaccination kontra COVID-19.

Gayunman, wala pang impormasyon kung nakapagtakda na ng petsa para sa pagdinig sa hiling ng dalawang magulang.

Sarado rin ngayong araw ang QC-RTC dahil sa isasagawang bar examination.

Facebook Comments