
Isang petisyon ang inihain sa Korte Suprema na nag-oobliga sa Kongreso na tukuyin kung ano ang ibig sabihin ng “political dynasty” alinsunod sa Saligang Batas.
Ayon sa petitioners, nakasaad sa 1987 Constitution na inaatasan ang Kongreso na lumikha ng batas na pinagbabawalan ang political dynasties pero walang nangyayari makalipas ang apat na dekada.
Batay sa Petition for Certoriari and Mandamus, nakasaad na hindi dahilan ang mga salitang ‘as may be defined by law’ para hindi aksyunan ng Kongreso ang utos ng Saligang Batas.
Sa ngayon, pinatutukoy sa kanila kung ano ang depinisyon para matawag na isang political dynasty.
Sabi pa sa petisyon, dahil sa hindi pag-aksyon dito ay pinabayaan ng Kongreso ang kanilang tungkulin na nagresulta sa monopolyo ng politika at pagkakaroon ng hindi pagkakapantay-pantay na nagpapalala sa kahirapan ng maraming Pilipino.
Kaya hinihiling din nila sa SC na obligahin ang Kongreso na magpasa ng anti-dynasty law.
Inihain ang petisyon nina dating Associate Justice Antonio Carpio na kumakatawan para sa 1Sambayan Coalition, dating Ombudsman Conchita Carpio Morales, Prof. Cielo Magno, Prof. Dante Gatmaytan, Prof. Solita “Winnie” Monsod, Atty. Christian Monsod, Advocates for National Interest (ANI), UP Law Class 1975, Sanlakas, apat na obispo at pitong pari ng Simbahang Katolika.
Respondents naman dito sina Senate President Chiz Escudero, at House Speaker Martin Romualdez para sa dalawang kapulungan ng Kongreso.