Pinsala ng lindol sa mga pampublikong imprastraktura, pina-a-assess agad sa DPWH

Inaatasan ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na i-assess ang pinsala ng lindol sa mga pampublikong imprastraktura.

Kaninang umaga ay niyanig ng 6.2 magnitude na lindol ang Calatagan, Batangas kung saan naramdaman ang lindol sa mga kalapit na probinsya hanggang dito sa Metro Manila.

Hinihimok ni Revilla, Chairman ng Senate Committee on Public Works ang mga ahensya ng gobyerno partikular ang DPWH na silipin ang damage o pinsala sa mga public infrastructure at agad na tugunan ang problema na posibleng magpahamak sa kaligtasan at buhay ng mga tao.


Giit ng senador, batid naman natin kung gaano kahalaga ang mga pampublikong imprastraktura tulad ng mga ospital, kalsada, covered courts, gyms at iba pa lalo na sa panahon ng krisis.

Aniya pa, sa panahon ng kalamidad at mga sakuna ay walang ibang maiisip ang ating mga kababayan kundi ang puntahan ang mga public infrastructure na tiwala silang matibay at makapagbibigay sa kanila ng proteksyon.

Agad na pinagsasagawa ng inspeksyon ni Revilla ang DPWH sa mga kalsada, gusali at mga tulay para matiyak ang structural integrity ng mga ito at pinamamadali rin ng senador ang pagsasaayos para maiwasan ang anumang pinsala at kapahamakan na maaaring maidulot pa nito sa mga tao.

Facebook Comments