Thursday, January 15, 2026

PNP, nagpatupad ng heightened monitoring sa mga port of exit bilang bahagi ng manhunt laban kay Atong Ang

Nagpatupad ang Philippine National Police (PNP) ng mas mahigpit na pagbabantay o heightened monitoring sa mga port of exit bilang bahagi ng manhunt operation laban kay Charlie “Atong” Ang.

Inatasan na rin ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang maigting na koordinasyon sa Bureau of Immigration at iba pang kaukulang ahensya upang pigilan ang posibleng paglabas ng bansa ni Ang.

Matatandaang si Ang na lamang ang pinaghahanap ng mga awtoridad sa 18 indibidwal na sangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon kay Nartatez, naglunsad ang PNP ng mga dedicated tracker teams at intelligence units upang matiyak na walang suspek ang makalalabas ng bansa habang may nakabinbing mga warrant of arrest.

Dagdag pa niya, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng mga police unit sa mga korte at katuwang na ahensya sa iba’t ibang lugar upang matiyak ang wasto at agarang pagpapatupad ng warrant of arrest laban kay Ang.

Facebook Comments