PNP, sinigurong hindi magiging madugo ang mas pinaigting na kampanya kontra iligal na droga

Mas pinaghusay pa ng pamahalaan ang kampanya kontra iligal na droga sa bansa.

Ito ay kasunod nang inilunsad na “Buhay ingatan, droga’y ayawan” o BIDA Program sa Kampo Krame ngayong araw.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) OIC PLt. Gen. Rhodel Sermonia ang kaibahan ng kampanya kontra iligal na droga sa ngayon ng gobyerno ay hindi ito magiging madugo.


Ani Sermonia, patuloy pa rin kasing inirerespeto ng Pambansang Pulisya ang karapatang pantao.

Paliwanag nito, mas magiging agresibo ang PNP sa paglaban sa iligal na droga kung saan tututukan ang demand at supply reduction kasabay ng rehabilitasyon sa mga drug dependents.

Paliwanag ni Sermonia, trabaho ng PNP ang supply reduction sa pamamagitan ng interdiction operations laban sa mga suplier at nagbebenta ng droga.

Pero hindi aniya kayang solohin ng PNP ang buong anti-drug campaign at kailangan dito ng tulong ng lahat ng sektor, partikular sa awareness campaign sa mga kabataan na bahagi ng demand reduction.

Sa kabilang banda, ipinunto nito na hindi talaga maiiwasan ang pagkalagas ng buhay lalo na sa mga mahuhuling manlalaban na mauuwi naman sa pagkamatay.

Facebook Comments