DOJ, naghihintay pa ng go signal mula sa NCCA bago ituloy ang paghuhukay sa compound

Hinihintay pa ng mga eksperto ang permit mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) bago ituloy ang excavation at exploration sa construction site sa Department of Justice (DOJ) kung saan nahukay ang ilang kalansay.

Noong Biyernes, nag-inspeksyon ang mga anthropologist at archaelogist sa DOJ para suriin ang lugar kung saan nakita ang kalansay ng tinatayang apat na tao.

Una nang sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na maaaring archaelogical site ang nasabing lugar na pagtatayuan ng library building ng DOJ.


Sinabi ni Dr. Maria Teresa de Guzman, isang social anthropologist, na kailangan muna nila ng pahintulot mula sa NCCA para tuluyang masuri ang construction site, ito ay alinsunod aniya sa Republic Act 10066 o National Heritage Act.

Ayon kay De Guzman, kung makipag-ugnayan ang DOJ sa NCCA ay maaaring mapabilis ang pagkuha ng permit para maipagpatuloy ang pagsasaliksik.

Pinahinto ng mga eksperto noong Biyernes ang konstruksyon ng apat palapag na gusali dahil sa mga natuklasang kalansay.



Facebook Comments