
Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magbibigay ito ng kinakailangang tulong kabilang na rito ang pagbabantay sa mga evacuation sites matapos ang malaking sunog sa Parola Compound sa Maynila.
Kung saan nasa mahigit 2 libong pamilya ang naapektuhan ng nasabing insidente.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., hindi lang mandato ng PNP ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, ngunit kasama na rito ang presensyang nararamdaman lalo na sa ganitong insidente.
Bukod sa deployment sa mga evacuation center ay maglalagay rin mga police help desk para agad na matugunan ang pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng sunog.
Ayon kay Nartatez, patuloy ang pakikipagcoordinate ng pulisya sa lokal na pamahalaan pati na sa Bureau of Fire Protection (BFP) para sa pagsasagawa ng imbestigasyon.
Nabatid na umabot sa Task Force Charlie ang nasabing sunog noong Sabado at tuluyang naapula ng Linggo ng madaling araw kung saan wala namang naiulat na nasawi.










