
Tinuligsa ni House Committee on Higher and Technical Education chairman at Tingog Partylsit Rep. Jude Acidre ang video presentation ni Senator Imee Marcos sa plenary session ng Senado.
Patungkol ang video sa alegasyon ni Senator Imee na planong ikasa ang Constitutional Assembly o Con-Ass para amyendahan ang Konstitusyon at mapahaba ang termino ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Para kay Acidre, ang ginawa ni Senator Marcos ay napakasamang uri ng pamumulitika at isang kahihiyan para sa Senado na gamitin ang privilege speech sa pagpapalaganap ng intriga, hinala, propaganda at walang basehang kwento.
Giit ni Acidre, hindi dapat gawing normal para sa isang opisyal ng gobyerno na basta na lamang magpalabas ng video na nagpapalutang ng conspiracy at hayaan ang social media na ikalat ito para makapaminsala bago iberipika ang katotohanan.
Ayon kay Acidre, kapag mali ang gamit ng platform, ay mas malaki ang magiging pinsala dahil hindi ang mga imbentong kwento ay hindi lang sumisira sa target na indibidwal kundi sa tiwala din ng publiko sa mga demokrasya.










