Isinusulong ni Senator Imee Marcos na palawigin ang prescriptive period o paghahain ng kaso ng panghahalay at iba pang uri ng karahasan sa mga kababaihan at kabataan.
Kasabay nito ang paggiit ng senadora na tiyaking habambuhay na pananagutin sa batas ang sinumang mapatutunayang sangkot sa mga kaso kaugnay sa Violence Against Women and Children o VAWC.
Inihain ni Marcos ang Senate Bill 1535 kung saan inaamyendahan ang ilang probisyon ng Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Ayon kay Marcos, marapat lamang na mabigyan ng maraming oras ang mga biktima bago makapaghain ng kaso at lumabas sa publiko bunsod na rin ng trauma at stigma na kaakibat ng pag-uulat sa VAWC.
Sa ilalim ng panukala, pinaaalis ang prescriptive period o taning sa paghahabla ng kaso sa mga nakagawa ng malaking paglabag sa VAWC tulad ng panggagahasa, pagtanggal ng karapatan, hindi pagbibigay ng suportang pinansyal sa mga anak, pananakit, pagbabanta at iba pa lalo na kung ito ay kamag-anak, tagapag-alaga, o “person in authority”.
Samantala, ang mga makagagawa ng mas magaang paglabag sa VAWC ay pinapalawig naman sa 20 taon mula sa sampung taon ang prescriptive period sa paghahain ng kaso.