2 pang suspek sa nawawalang mga sabungero, tukoy na ng PNP-CIDG

Kilala na ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang dalawa pang suspek hinggil sa pagkawala ng 34 na sabungero.

Ayon kay PNP CIDG Director PBGen. Ronald Lee, natukoy nila ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek makaraang mapasakamay nila ang isang cellphone video patungkol sa sinasabing pagdukot sa mga sabungero sa Sta. Cruz, Laguna noong April 2021.

Dahil sa video, nakilala ang isa pang sabungerong nawawala na si Michael Bautista matapos na positibong kilalanin ng kaniyang asawa at kapatid.


Dahil dito, inatasan ni Lee ang Regional Field Office sa Region 4-A na kuhanan ng salaysay ang asawa at kapatid ni Bautista upang maidagdag sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Matatandaang una nang kinasuhan ang walong indibidwal at iba pang John Doe na nasa likod ng pagdukot sa mga sabungero sa Manila Arena kung saan dawit dito ang limang pulis.

Facebook Comments