Nangangamba si Committee on Economic Affairs Chairperson Senador Imee Marcos na paliit na ng paliit at baka maging ga-holen na lang ang laki ng pandesal na hindi na makabusog sa almusal at meryenda ng ordinaryong Pinoy.
Ayon kay Marcos, tiyak na tutol ang mga konsyumer ng tinapay sa hirit na tatlong pisong dagdag presyo na hindi rin kayang hindi ipatupad ng mga panadero.
Paliwanag ni Marcos, napipilitang magtaas ng presyo ang mga panadero dahil nagmamahal ang materyales at pagpapatakbo ng negosyo habang gipit pa rin ang badyet ng mga mamimili sa gitna ng pandemya.
Dahil dito ay iginiit ni Marcos sa Department of Trade and Industry o DTI na manghimasok at magtakda ng price freeze sa mga raw materials sa paggawa ng tinapay upang hindi mabigatan ang mga maliliit na panadero sa bansa.
Tinukoy ni Marcos na kung ikukumpara sa presyo noong 2020 ay malaki na ang itinaas ng mga sangkap sa paggawa ng tinapay tulad ng harina, mantika, margarine, asukal, gatas gayundin ang LPG na ginagamit sa oven.
Iminungkani rin ni Marcos ang pag-import ng harina ngunit dapat ay government-to-government na usapan at pang-emergency use lamang.
Ang mas pangmatagalang solusyon naman na suhestyon ni Marcos ay ang pagdagdag sa nutrisyon ng mga tinapay na ginawa na sa kilalang Nutribun noong dekada ‘70.