PRRD, inatasan na para hanapin ang tinaguriang drug queen

Manila, Philippines – Kinumpirma ni Senator Christopher Bong Go na mayroon nang inatasan si Pangulong  Rodrigo Duterte para hanapin ang  tinaguriang  drug queen na si Guia Gomez-Castro na sinasabing  nasa America o Canada.

Kaugnay nito ay umaasa si Go na maibabalik sa bansa ang  sinasabing  drug queen para mabigyan siya ng pagkakataon na ipaliwanag ang sarili.

Matatandaan na tinukoy ni PDEA Director General Aaron Aquino si Castro na drug queen na siyang  bumibili sa mga recycled na illegal drugs na nasasamsam ng ilang tiwaling  pulis.


Inihayag naman ni Go na agad niyang naisumite sa pangulo ang  Senate report at transcript na naglalaman ng mga pangalan ng umano’y ninja cops na isiniwalat sa executive session ni dating CIDG chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Ayon kay Go, makapal ang dokumentong ibinigay ng Senado sa Pangulo na siguradong binabasa na nito at pinapa-validate sa mga kinauukulang ahensya.

Bukod aniya sa report ng Senado ay hawak din ng Pangulo ang report galing sa PDEA, at kina Senator Ronald Bato Dela Rosa at Chief PNP General Oscar Albayalde.

Samantala, kinumpirma naman ni Go na nagpaliwanag si Albayalde sa Pangulo hinggil sa intriga sa kanya at sa iba pang tauhan ng PNP ukol sa isyu ng drug recycling.

Facebook Comments