*Cauayan City, Isabela- *Aminado ang City Agriculture Office sa isyu ng Rice Tarrification Law dahil sa malaking epekto nito para sa mga maliliit na magsasaka sa Lungsod.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay City Agriculturist Constante Barroga, ilan sa hinaing na kanilang natatanggap mula sa mga magsasaka ay ang matinding epekto ng Rice Tarrification Law kaya’t bilang alternatibong paraan ay magbibigay ang kanilang tanggapan ng imbred rice seeds na mula sa Department of Agriculture.
Dagdag pa nito, may nakalaan ng 10 bilyon na pondo na hahatiin para sa mga proyekto gaya ng 5 bilyon para sa machineries, 3 bilyon o 30 porsyento para sa tatlong component na mapapasailalim sa tanggapan ng Philippine Rice Research Institute, 1 bilyon para sa pagsasanay at 1 bilyon para sa Loan ng mga magsasaka.
Kaugnay nito, napili na ang kabuuang 312 na magsasaka na nagsasaka ng isang (1) ektarya pababang lupain na mapapabilang sa mapagkakalooban ng pautang na labinlimang libong piso (P15,000.00) mula sa gobyerno na walang interes at babayaran sa loob ng walong (8) taon.
Ayon pa kay Barroga, maaari din na magbayad ang mga magsaska ng isang libong piso (P1,000.00) ng dalawang beses kada taon sa Land Bank of the Philippines o LBP.
Bukas, magsasagawa ng Rice Competetiveness Enhancement Fund (RCEF) Caravan sa ganap na ala-una ng hapon sa F.L Dy Coliseum.