Wednesday, October 14, 2026

Rockwell land at pag-ibig fund, nagsama para sa expanded 4ph program ng pamahalaan

Pormal nang nagkapit-bisig ang Pag-IBIG Fund at Rockwell Land Corporation upang mag-alok ng mas maraming pagpipilian sa pabahay para sa mga manggagawang Pilipino.

Sa pamamagitan ng kasunduang nilagdaan nitong Martes, October 13, sa Makati City, pasok na sa Expanded 4PH Program o Pambansang Pabahay para sa Pilipino ng Marcos Administration ang iba’t ibang housing project ng Rockwell mula sa abot-kayang tahanan hanggang sa upscale residences.

Sa ilalim ng financing program ng Pag-IBIG Fund, magiging bukas na para sa mga kwalipikadong miyembro ang subsidized 3% interest rate sa ilalim ng Expanded 4PH, promotional rates na 4.5% at 5.75% at housing loan na umaabot sa hanggang 10 milyon.

Makikilahok din ang Rockwell kasama ang higit 80 iba pang property developers sa 2nd National Housing Expo na gaganapin sa October 19 hanggang 20 sa SMX Convention Center Manila sa Pasay City, kung saan libre ang pagpasok para sa mga nagnanais kumuha ng sariling tahanan.

Pinangunahan ang naturang signing ceremony nina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling, Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta at Rockwell Land Chairman and CEO Nestor Padilla.

Facebook Comments