Monday, November 23, 2026

PBBM, dapat magdeklara ng State of Calamity sa lahat ng lugar na labis na apektado ng El Niño

Nananawagan si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila de Lima kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magdeklara ng state of calamity sa mga lugar na labis na apektado ng El Niño. 

Nakasaad sa inihain House Resolution No. 1629 ni De Lima na dapat magdeklara ng State of Imminent Disaster sa lahat ng lugar sa bansa na nakakaranas ng matinding epekto ng El Niño upang agad maikasa ang nararapat at epektibong tugon at maibsan ang higit pang pinsala.

Diin ni De Lima, napapanahon ang deklarasyon ng state of calamity o state of imminent disaster alinsunod sa mga umiiral na batas upang maibuhos ang available na resources ng gobyerno para tugunan ang pangangailangan ng mga nagdurusang komunidad dahil sa matinding tagtuyot.

Babala ni De Lima kung hindi ito gagawin ay hahantong ang bansa sa kakapusan ng suplay ng tubig at kawalan ng seguridad sa pagkain.

Tinukoy ni De Lima na batay sa report ng Department of Agriculture ay umaabot na ngayon sa ₱9.99 billion ang pinsala ng El Niñsa sektor ng agrikultura kung saan 324,327 na ang mga apektadong magsasaka.

Nakapaloob din sa resolusyon ang mahigpit na koordinasyon ng mga kaukulang ahensya at mga lokal na pamahalaan para palakasin ang pagbabantay sa suplay ng tubig, at presyo ng mga pangunahing bilihin at agad na pagkilos laban sa overpricing, profiteering, at hoarding.

Facebook Comments