
Hinimok ni Senator Kiko Pangilinan ang mas marami pang organisasyon at citizen watchdogs na makibahagi sa budget process ng P7.2-trilyong 2027 national budget.
Binigyang-diin ni Pangilinan na mahalaga ang papel ng mga citizen watchdogs at civil society organizations (CSOs) sa pagbusisi sa mga alokasyon sa pambansang pondo, mga kwestiyonableng item, paghingi ng mga kinakailangang dokumento, at pagpanukala ng alternatibong paggamit sa public funds.
Kinilala ng senador ang malaking tulong ng People’s Budget Coalition dahil halos 1,000 budget line item ang kanilang sinuri at kinuwestiyon, kabilang ang P16 bilyong alokasyon para sa farm-to-market roads, upang matiyak na hindi maaabuso ang pondo ng taumbayan.
Ayon kay Pangilinan, sa pamamagitan ng mga CSO at citizen watchdogs ay mas maraming mata at boses ang tumutulong upang matiyak na may pananagutan sa bawat pisong ginagastos ng gobyerno.
Idiniin ng mambabatas na ang pag-iingat sa pondo ng bayan ay hindi lamang trabaho ng gobyerno kundi karapatan at responsibilidad din ito ng mamamayan.










