Kinasuhan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga opisyal at security personnel ng condominium tower sa Quezon City na sinasabing ilegal na nag-detain sa tatlong nurse sa loob mismo ng kanilang condo unit.
Kinilala ang mga akusado na sina Mel Tosco, Property Manager at Administrative Head ng Victoria Towers Condominium, Napoleon Briñas; Head Security Management ng San Jose Builders Incorporated; Atty. Jerich Erich Jucaban, Vice President; Security Guard Sadat Macabanding; limang hindi pa nakikilalang tao; at iba pang security guards.
Magugunitang June 29, 2020, nang nakatanggap ng reklamo ang NBI-Special Action Unit mula sa abogado ng mga biktima kaugnay ng pagpigil sa kanila na makalabas ng condo unit sa loob ng tatlong araw ng management at security personnel ng VTC.
Ayon sa tatlong nurse, ayaw silang palabasin ng management ng condo tower kahit nagpakita na sila ng medical clearance na nagsasaad na cleared sila sa COVID-19, bukod sa mayroon silang pinanghahawakan na ‘fit to return to work’ order.
Matapos ma-verify ang reklamo ay agad na nagsagawa ng rescue operation ang NBI pero iginiit ng abogado ng VTC management na si Atty. Neneth De Padua, naghihintay pa sila ng barangay clearance bago nila palabasin ang tatlong nurse.
Gayunman, itinuloy pa rin ng NBI ang rescue operation at nailigtas ang tatlong nurse, at inaresto naman si Tosco habang nakatakas si Briñas.
Kasong Serious Illegal Detention at paglabag sa Quezon City Executive Order No. 26 o Protection of COVID-19 patients/frontliners from any kind of discrimination ang kinakaharap ng mga akusado.