Hinamon ni Senator Rodante Marcoleta sina Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Jay Tarriela at maritime law expert Atty. Jay Batongbacal sa isang “friendly debate” tungkol sa isyu ng West Philippine Sea (WPS).
Kaugnay ito sa pagimbita ni Tarriela kay Marcoleta na sumama sa isasagawang maritime domain awareness flight sa Kalayaan Island Group (KIG) at bigyan ng pagkakataon ang senador sa pagiging tunay na patriotic public servant na kayang manindigan sa karapatan natin sa West Philippine Sea.
Ayon kay Marcoleta, mabuting magkita muna sila nina Tarriela at Batongbacal para sa isang “friendly debate” bago ang planong pagpunta sa KIG.
Sa ganitong paraan aniya ay maisasaayos ang hindi pagkakaunawaan para na rin sa kapakanan ng bansa.
Matatandaang umani ng pagbatikos ang naunang sinabi ni Marcoleta na i-give up o isuko na lamang ang KIG dahil ito ay nasa labas ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Nilinaw naman ni Marcoleta na hindi niya intensyon na isuko ang KIG at ang kanyang mga nasabi ay na-misinterpret lamang matapos lumabas sa mga balita.










