Pinaiimbestigahan ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang ginawang pagbili ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ng Personal Protective Equipment (PPEs).
Aabot sa ₱1.386 billion ang halaga ng PPEs na kulang sa certification na ligtas at maganda ang kalidad.
Sa Senate Resolution 141 ay pinasisilip ni Pimentel sa Senate Blue Ribbon Committee ang report ng Commission on Audit (COA) na pumasok ang PS-DBM sa pitong kontrata noong 2021 para sa pagbili ng PPEs sa supplier na walang isinumiteng Certificate of Medical Device Notification (CMDN).
Nakasaad sa resolusyon ang puna ng COA na hindi nag-exercise ng “due diligence” ang PS-DBM dahil tinanggap ang mga kontratang kulang sa papeles.
Dahil sa kakulangan na ito, sinabi ng COA na hindi otorisado para ibenta at para gamitin ang mga binili ng PS-DBM.
Paliwanag ni Pimentel, ang imbestigasyon ay hindi lang tungkol sa pagsunod sa procurement law, kundi pangangalaga rin sa kaligtasan ng frontliners at mga Pilipino.