Iba’t ibang serbisyo ng gobyerno ang inilapit sa mga residente ng Barangay Mabini, Balungao, Pangasinan sa pamamagitan ng Serbisyo Caravan na nilahukan ng 104th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 1 o RMFB1, sa ilalim ng Revitalized Pulis sa Barangay Program.
Katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at organisasyon, naghatid ang aktibidad ng libreng serbisyong medikal at dental, gamot, tulong-pagkain, at mga punla para sa mga magsasaka.
Nagkaloob din ng libreng pagpapagupit, PhilHealth registration, NBI clearance processing, gayundin ng impormasyon tungkol sa pagsasanay at kabuhayan mula sa TESDA at oportunidad sa trabaho mula sa DOLE.
Kasama rin sa mga serbisyong inilapit ang legal assistance, family planning, health counseling, at mga programa para sa karapatan ng kababaihan at mga bata.
Ayon sa 104th Maneuver Company, bahagi ito ng kanilang pagsusulong ng serbisyong nakatuon sa komunidad, kung saan ang tungkulin ng pulisya ay hindi lamang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan kundi pakikiisa rin sa mga programang kapaki-pakinabang sa mamamayan.
Sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan, patuloy na inilalapit ng mga ahensya ng pamahalaan ang serbisyong tunay na nararamdaman ng bawat komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











