Pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Dagupan, sa pamamagitan ng SAFENet Dagupan, ang kampanya para sa proteksyon ng kababaihan at mga bata sa pamamagitan ng mga talakayan sa Barangay Pugaro, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Children’s Month.
Binigyang-diin sa aktibidad ang mahalagang papel ng mga ama sa responsableng pagpapamilya, pag-iwas sa karahasan, at paglikha ng ligtas na tahanan.
Tinalakay ni Atty. Vicky Cabrera, retiradong City Prosecutor, ang mga batas na nagpoprotekta sa kababaihan at mga bata, gayundin ang kahalagahan ng mabuting pagpapahalaga sa pamilya.
Binigyang-pansin din ang mental health ng kalalakihan, kabilang ang mga babalang palatandaan ng depresyon at pagpapakamatay, pati ang mga hotline na maaaring lapitan para sa tulong.
Ipinaliwanag naman ang mga serbisyo ng 24/7 City Women’s Center para sa mga biktima ng pang-aabuso at karahasan.
Samantala, nagsagawa rin ang CDRRMO ng talakayan tungkol sa kahandaan sa sakuna at namahagi ng Go Bags para sa mga pamilya.
Sa pamamagitan nito, muling iginiit ng SAFENet Dagupan na ang pagprotekta sa kababaihan at mga bata ay responsibilidad ng bawat isa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











