
Pinasisiyasat ni Senator Risa Hontiveros sa Senado ang kabuuang solid waste management framework ng bansa kasunod na rin ng pagguho ng landfill sa Binaliw, Cebu City.
Ang naturang insidente ng pagguho ng landfill ay ikinasawi ng 36 na indibidwal.
Sa Senate Resolution 285 na inihain ni Hontiveros, iginiit ng senadora na hindi lang isang aksidente ang nangyaring trahedya.
Resulta aniya ito ng matagal nang problema sa agwat sa regulasyon, mahinang pagpapatupad ng batas at labis na pagdepende sa landfill-based disposal na nagdulot ng kapahamakan.
Nakasaad din sa resolusyon na kahit may available o bakanteng lupa, patuloy na tinututulan ng mga komunidad ang pagkakaroon ng landfill sa kanilang lugar dahil sa epekto nito hindi lang sa kalusugan kundi sa halaga ng mga properties na malapit sa landfill.
Ipinanawagan din sa resolusyon ang mabusising pagrepaso sa waste-to-energy initiatives ng gobyerno sabay ng babala na ang mga proyektong ito ay maaaring magpalubha sa environmental at public health crisis dahil maaari itong makahimok ng sobra-sobrang pagtatapon ng basura sa halip na humanap ng ibang matatag na alternatives.










