Hindi isasapubliko ni Senate President Tito Sotto III ang pangalan ng senador na nag-iimpluwensya kay poll Commissioner Aimee Ferolino na ipagpaliban ang pagpapalabas ng resolusyon sa disqualification case laban kay presidential candidate Bongbong Marcos.
Ito ay kasunod ng kumpirmasyon ni Sotto na kilala niya ang senador na nasa likod nito.
Ngunit ayon kay Sotto, hihintayin niyang si Commissioner Rowena Guanzon ang magsabi nito sa publiko dahil hindi niya hawak ang ebidensya kung kaya’t hindi niya ito papangalanan.
Dagdag pa ng senador na hindi maaaring kusang umaksyon ang Senado kung walang complaint laban dito at kung may pagdinig o hearing ay doon pa lang maisisiwalat ni Guanzon ang kanyang mga nalalaman.
Samantala, sa huling araw ni Guanzon bilang commissioner ay nabiktima ito ng fake booking kung saan nasa higit ₱5,000 halaga ng pagkain ang dumating sa kanyang opisina sa Commission on Elections (COMELEC).