Special Working Committee, binuo ng Pangulo kaugnay ng Middle East crisis

Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anim na miyembro ng gabinete bilang Special Working Committee.

Ang nasabing komite ang babalangkas ng plano at hakbang para sa paglilikas ng mga Pilipino mula sa mga apektadong bansa sa Gitnang Silangan.

Sa pulong ng gabinete kagabi, kabilang sa mga inatasang bumuo sa naturang komite ang mga Kalihim ng Defense Department, DILG, Foreign Affairs, Labor Department at Department of Transportation o DOTr gayundin ang National Security Adviser.


Pinapupunta na rin ng Pangulo sa Middle East si DENR Secretary Roy Cimatu bilang Special Envoy to the Middle East para makipag-ugnayan sa gobyerno doon at maihanda ang mga hakbang sa paglilikas sa mga Pilipino.

Inatasan rin ng Pangulo si Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers Abdullah Mamao na magtungo ngayong araw sa Iraq at Iran.

Layon nitong ipaabot ang mensahe ng Pangulo sa gobyerno ng Iran at Iraq ukol sa kaligtasan ng mga Pilipino at upang ipabatid na wala dapat ni isang Pilipinong masasaktan sa nagaganap na krisis.

Facebook Comments