Buo ang tiwala ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson sa suporta ng kanyang kaibigan at dating kasamahan sa Senado na si Governor Francis ‘Chiz’ Escudero na personal pa umanong nagmaneho para sa kanya nang bisitahin nila ang Sorsogon nitong Huwebes.
Nagtapos ang Quezon-Bicol campaign leg ni Lacson at kanyang running mate na si Senate President Tito Sotto sa probinsya ng Sorsogon na anila’y isang ‘Nationalist People’s Coalition (NPC) country’ dahil sa kanilang mga kaalyado na lokal na opisyal.
“No doubt. Ang masasabi ko lang, alam niyo ba kung sino ang driver ko papunta rito? Si Governor Escudero,” lahad ni Lacson sa press conference na idinaos sa Sorsogon People’s Mansion, nitong Huwebes, kasama rin ng kanilang senatorial candidate na si dating police chief Guillermo Eleazar.
Sabi naman ni Sotto, “Totoo naman, NPC country ito at saka obvious na obvious sa kilos na, ika nga, Lacson-Sotto ay malapit na malapit sa puso ng mga taga-Sorsogon dahil sa kanilang mga liderato.”
Malaki rin ang kumpiyansa ni Sotto na chairman ng NPC sa suportang makukuha niya sa kanyang mga kapartido para palakasin pa ang kanilang kandidatura ni Lacson.
Aniya, magpupulong ang mga lider ng bawat distrito at rehiyon ng NPC sa darating na Lunes upang pag-usapan ang kanilang pagsuporta sa tambalang Lacson-Sotto.
Kuwento naman ni Lacson, napag-usapan nila ni Escudero na dati nilang kasamahan sa Senado, ang magagandang nagawa ng huli sa kanyang probinsya at tiwala siya na magagawa rin ito ng gobernador sa mas malawak pang antas kung mananalo siya muli bilang senador.