
Generally peaceful sa pangkalahatan ang pagbubukas ng klase sa buong bansa ngayong araw.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Nicolas Torre III, walang naitalang untoward incident kasabay ng pagbabalik-eskwela ng mga estudyante.
Sinabi ni Torre na ilang buwan bago ang pasukan ay nakipag-ugnayan na ang kapulisan sa mga school head upang matiyak ang maayos na school opening.
Samantala, muling binigyan diin ni Torre sa mga magulang na katuwang nila ang Pambansang Pulisya sa pagbabantay ng kanilang mga anak habang ang mga ito ay nasa paaralan hanggang pauwi sa kani-kanilang mga tahanan.
Una nang ipinakalat ng PNP ang kabuuang 37,740 police personnel kung saan maliban dito mayroon ding itinalagang Police Assistance Desks, mobile patrols, at foot patrols upang tiyaking ligtas at maayos ang unang araw ng pasukan.









