Valenzuela City – Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang mga residente nito na tangkilikin ang kalulunsad lamang na mobile application na sinadya para sa mga emergency situations.
Ayon kay Arnaldo Antonio, hepe ng Valenzuela City Disaster Risk and Reduction Office, malaking tulong ang Valenzuela Alert App lalo na sa mga sitwasyong kailangan ng agarang responde lalo mula sa hanay ng mga pulis, medical personnel o kaya ay bumbero.
Sa oras na ma-download ang app, kailangan lamang kuhanan ng litrato ang sitwasyon o kaya ay magpadala ng deskripsyon kung ano ang nangyayari at agad na tutugon ang naaayong departamento.
Aniya, bagamat medyo matrabaho dahil kailangang personal na pumunta ang isang residente sa CDRRMO ng Valenzuela, para i-verify ang account, tyagain na daw ito dahil malaking tulong naman ang dala ng app, pagnagkataon, dahil mayroon silang mga tao na nakatalaga para tutukan ang mga mensaheng dadating sa kanilang monitoring.