Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte, ibinunyag na hindi calamity-proof ang ilang paaralan sa bansa

Aminado si Vice President at Education Secretary Sara Duterte na hindi calamity-proof ang ilang paaralan sa bansa.

Lumalabas sa datos ng Department of Education (DepEd) na wala pa sa kalahati ng mahigit 327,000 na paaralan sa buong bansa ang nasa maayos na kondisyon.

Karamihan sa mga ito ay nangangailangan ng repair at supply ng kuryente.


Inihayag din ni VP Duterte na “personal matter” para sa kanya ang usapin sa sektor ng edukasyon dahil nakikita niya ang mga problemang kinakaharap ng mga mag-aaral araw-araw kabilang na ang mental health problem.

Dismayado naman ang nakababatang Duterte dahil hindi natupad ang inaasahang tulong ng K-12 curriculum para mabilis na matanggap sa trabaho ang mga mag-aaral na nagsipagtapos.

Sa ginanap na presentasyon ng 2023 Basic Education Report sa isang hotel sa Pasay City, inihayag din ng pangalawang pangulo na naglaan ang DepEd ng kabuuang alokasyon na ₱15.6 billion para sa pagtatayo ng mga bagong silid-aralan.

Inilatag din ni Vice President Duterte ang mga aksyon ng DepEd sa mga problemang kinakaharap ng sektor ng edukasyon.

Kabilang sa mga ito ang pag-digitize sa mga proseso, pagkakaroon ng mekanismo para maiwasan ang peligro at diskriminasyon, paggamit ng digitized textbook copy at iba pa.

Tiniyak din ng kalihim ang karagdagang benepisyo para sa mga guro at ang pagpapatupad ng mga polisiya sa distribusyon ng workload ng mga guro gayundin ang bayad sa teaching overload.

Napapanahon na rin aniya para sa pagpapalawak ng skills ng mga guro para matugunan ang modern concerns.

Kinumpirma rin ng DepEd secretary na sa ngayon ay 28 million ang mga batang Pilipino na nag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.

Facebook Comments