Walkthrough, isasagawa ng Quiapo Church bilang paghahanda sa Pista ng Itim na Nazareno

Magsasagawa ang pamunuan ng Quiapo Church ng “walkthrough” kaugnay sa pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno.

Gaganapin ito ng alas-5:00 ng umaga kung saan sisimulan ito sa Quirino Grandstand.

Sa abiso ng Quiapo Church, tatahakin nito ang ruta na dadaanan ng prusisyon ng Traslacion na bahagi ng paghahanda ng pagdiriwang ng Nazareno 2024.


Makakasama ng pamunuan ng simbahan ang mga ahensya ng gobyerno at ilang katuwang sa paghahanda.

Kaugnay ng tradisyunal na “Traslacion”, gagamit na ngayon ang Quiapo Church ng bagong andas na bullet proof kung saan nakalagay ang imahen ng Poong Nazareno.

Ibig sabihin, wala nang makikitang mga Hijos del Nazareno na nakasampa o nakapaligid sa andas dahil may nakalagay na salamin na bullet proof ang imahen.

Magsisimula naman ang tradisyunal na pahalik sa imahen sa Enero 6, 2024 at tatagal ng hanggang Enero 9, 2024 o mismong araw ng pista ng Poong Nazareno.

Isasagawa naman ang replica blessing o ang pagbabasbas sa mga imahen sa Enero 3 at 4, 2024.

Facebook Comments