Tuesday, March 10, 2026

Working visit ni PBBM sa New York, USA, umarangkada na

Sinimulan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang working visit sa New York, Estados Unidos, upang itulak ang kandidatura ng Pilipinas sa non-permanent seat ng United Nations (UN) Security Council para sa termino ng 2027 hanggang 2028.

Sa kaniyang departure statement, binigyang-diin ng Pangulo na mahalagang pagkakataon ang biyahe upang maipakita sa pandaigdigang komunidad ang mga ambag ng Pilipinas sa usapin ng kapayapaan, seguridad, at multilateral cooperation.

Mahalaga rin aniya ang kandidatura ng Pilipinas upang marinig sa pandaigdigang usapin ng kapayapaan at seguridad ang boses ng bansa at ng iba pang developing countries.

Samantala, ilang grupo ang nagkasa ng kilos-protesta sa pagdating ng Pangulo sa New York.

Panawagan nila na papanagutin ang administrasyon sa korapsyon, ipagtanggol ang karapatan ng migrant workers at Filipino seafarers, at buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), kasabay ng pagbatikos sa administrasyon.

Kasabay nito, dinepensahan ng Malacañang ang timing ng biyahe ni Pangulong Marcos Jr. sa New York sa gitna ng pangamba sa posibleng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang isyu sa bansa.

Sa kaniyang pananatili sa New York, lalahok ang Pangulo sa mga pulong sa United Nations kung saan hihikayatin niya ang suporta ng iba’t ibang bansa para sa kandidatura ng Pilipinas sa non-permanent seat ng UN Security Council para sa termino ng 2027 hanggang 2028.

Layunin ng administrasyon na maipakita ang papel ng Pilipinas sa pagsusulong ng kapayapaan, seguridad, at kooperasyon sa pandaigdigang komunidad.

Facebook Comments