
Bukod sa MRT-3, aalisin na rin ng Department of Transportation (DOTr) ang mga x-ray machine sa LRT-Line 1 at LRT-Line 2 para maresolba ang mahabang pila ng mga pasahero sa tren.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tutukan ang maliliit na kalbaryo ng mga pasaherong sumasakay ng pampublikong transportasyon.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DOTr Secretary Vince Dizon na hinihintay lang nila ang resulta ng pilot implementation sa MRT-3, Taft Avenue Station ng LRT Line 1, at Recto Station ng LRT Line 2, bago magdesisyon kung tuluyan nang aalisin ang screening devices sa ibang istasyon.
Ayon kay Dizon, nakita nilang bumilis ang daloy ng mga pasahero sa MRT at LRT, na dating inaabot ng halos o higit isang oras sa pila, dahil dinagdagan na rin ang mga bumibiyaheng bagon ng tren kapag rush hour.
Kaugnay nito naghahanda naman ang DOTr ng karagdagang security protocols sa mga istasyon ng tren, kasunod ng pag-aalis ng screening devices.
Nakikipag-usap na rin anila sila sa Sumitomo Corporation ng Japan, para madagdagan pa ang mga bumibiyaheng bagon ng tren.









