
CAUAYAN CITY- Pormal nang pinasinayaan ang bagong gusali ng Ilagan City Police Station kahapon bilang bahagi ng patuloy na pagpapalakas ng kapulisan at pagpapabuti ng serbisyong pangseguridad para sa mamamayan ng Lungsod ng Ilagan.
Kasabay nito, isinagawa rin ang Turnover of Logistical Equipment na magagamit ng mga kapulisan sa kanilang mga operasyon at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad. Ang mga bagong kagamitan ay inaasahang higit pang magpapahusay sa kakayahan ng pulisya sa pagtugon sa mga pangangailangan ng publiko at pagpapatupad ng batas.
Ang nasabing programa ay dinaluhan ng mga lokal na opisyal, mga kinatawan ng Philippine National Police, at iba pang panauhin na nagpahayag ng kanilang suporta sa mga programang naglalayong palakasin ang seguridad at kapakanan ng mamamayan.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay Police Brigadier General Mariano C. Rodriguez, Acting Regional Director ng Police Regional Office 2 sinabi nitong malaking bagay ang ganitong mga proyekto upang mas lalo pang pagbutihin ng mga kapulisan ang kanilang serbisyo sa publiko.
Samantala, nagpahayag naman ng suporta si Ilagan City Mayor Josemarie Diaz, Ayon sa kanya, bunga ito ng maayos na ugnayan at koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan para sa layuning makamit ang isang mas ligtas, maayos, at maunlad na lungsod.
Patuloy namang umaasa ang mga kinauukulan na makatutulong ang mga bagong pasilidad at kagamitan sa mas epektibong pagganap ng tungkulin ng kapulisan para sa mga mamamayan ng Ilagan City.










