Tuesday, April 21, 2026

𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗧𝗨𝗟𝗔𝗞 𝗡𝗚 𝗗𝗥𝗢𝗚𝗔 𝗔𝗧 𝟭𝟱 𝗪𝗔𝗡𝗧𝗘𝗗 𝗣𝗘𝗥𝗦𝗢𝗡𝗦, 𝗔𝗥𝗘𝗦𝗧𝗔𝗗𝗢 𝗦𝗔 𝗜𝗦𝗔𝗡𝗚 𝗔𝗥𝗔𝗪 𝗡𝗔 𝗢𝗣𝗘𝗥𝗔𝗦𝗬𝗢𝗡 𝗡𝗚 𝗣𝗥𝗢𝟮

Cauayan City – Arestado ang isang tulak ng ilegal na droga at labinlimang wanted persons sa rehiyon 2 sa isinagawang operasyon ng Police Regional Office 2 mula March 8 hanggang March 9, taong kasalukuyan.

Batay sa Daily Accomplishment Report ng PRO2, isang anti-illegal drug operation ang isinagawa kung saan isang indibidwal ang naaresto at nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 0.5 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na ₱3,400.

Sa kampanya naman laban sa mga lumalabag sa lokal na ordinansa, 332 violators ang naitala. Umabot sa ₱167,500 ang kabuuang multa na nakolekta habang 121 katao ang nawarningan o reprimanded.

Samantala, anim na operasyon ang isinagawa laban sa mga kaso ng loose firearms kung saan isang indibidwal ang naaresto, isang baril ang nakumpiska, at limang baril ang kusang isinuko sa mga awtoridad.

Malaki rin ang naging resulta ng kampanya laban sa mga wanted person kung saan 15 operasyon ang ikinasa ng pulisya. Dahil dito, isang top most wanted person at 14 pang iba pang wanted persons ang naaresto.

Ayon sa pamunuan ng Police Regional Office 2 sa pangunguna ni Antonio P. Marallag Jr., Regional Director, magpapatuloy ang pinaigting na operasyon ng kapulisan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong Cagayan Valley.

Source: PRO2

Facebook Comments