
Limang indibidwal na may kinahaharap na iba’t ibang kaso ang naaresto ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na operasyon sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Pangasinan.
Sa bayan ng Dasol, inaresto ng mga tauhan ng Dasol Municipal Police Station ang isang 36 anyos na mangingisda na kilala sa alyas na “Karag.” Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, na may inirekomendang piyansang ₱80,000.
Samantala, inaresto sa Calasiao ang isang 37 anyos na laborer dahil sa kasong Robbery in an Uninhabited Place o paglabag sa Article 302 ng Revised Penal Code. May inirekomendang piyansa na ₱30,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Sa Malasiqui, isang 33 anyos na lalaki ang nadakip dahil sa tatlong bilang ng kasong Qualified Theft. Ang bawat kaso ay may inirekomendang piyansang ₱60,000.
Isang 48 anyos na lalaki ang naaresto sa Dagupan City ng mga tauhan ng Police Station 4, katuwang ang iba pang yunit, dahil sa paglabag sa Section 22 ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018. Ang inirekomendang piyansa para sa kaso ay ₱72,000.
Samantala, isang 48 anyos na babae na isang crewing agent at residente ng Maynila ang sinerbisyuhan ng warrant of arrest sa loob ng BJMP District Jail sa Burgos, Pangasinan ar nahaharap siya sa kasong estafa o swindling sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code, na may inirekomendang piyansang ₱18,000.
Ang lahat ng mga naarestong indibidwal ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang himpilan ng pulisya para sa tamang disposisyon at dokumentasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









