
Iminungkahi ni Senator Bam Aquino na kunin sa pambansang pondo ang subsidiya at iba pang diskwento sa singil sa kuryente at huwag ipapasan sa mga low at middle-income households.
Isinulong ito ni Aquino matapos na umani ng reklamo ang Meralco mula sa natanggap na “bill shock” ng mga consumers ngayong buwan ng Abril.
Inihain ni Aquino ang Senate Resolution 375 na humihiling sa Committee on Energy na silipin ang disenyo, pagtukoy ng mga benepisyaryo, at pagpopondo ng mga subsidiya, partikular ang lifeline rate na itinatadhana sa ilalim ng Republic Act No. 9136 o’ Electric Power Industry Reform Act.
Giit ni Aquino, maraming Pilipino ang naghihirap kabilang ang nasa middle class kaya hindi na dapat dagdagan ang gastusin ng taumbayan kung may pera naman ang gobyerno para sa ayuda.
Pinasisilip ni Aquino ang iba pang alternatibong mekanismo sa pagpopondo, kabilang ang paggamit ng pambansang budget upang mapondohan ang bahagi o kabuuan nito.
Pinatitiyak din ng mambabatas na ang mga naturang subsidiya ay hindi magdudulot ng hindi inaasahan na gastos sa mga consumers ng kuryente.










